Comics Compilation ang balak namin, limang stories ng limang artist(Ako, si Ed, si Neil, si Sam at si Amjie) at dalawang issues na agad ang balak naming ibebenta. One week bago ang event, tapos ko na yung sa akin, "Soul Haven". Yung isa, isa lang ang balak gawin at ipapa-LBC pa ang gawa nya dahil taga-malayong lugar pa siya. Yung iba naman, isa palang ang nagagawa, nakalapis pa. Hopeless na? Hindi pa. Nabago ang plano. Isang issue nalang.
Balik sa dating oras(madaling araw, kinabukasan ang event). Tapos na lahat, pero hindi dumadating ang inaasahang "hari ng padala". Sa Yahoo!mail nalang daw, mas ok dahil hindi na namin iiiscan. May pasok ako noon kaya kailangan kong gumising ng maaga para ma-ihatid ko ung gawa kong nakasave na sa memory card kay Ed(Producer, Financer at Moral supporter. nagtatabaho sa computer shop na gawaan lang talaga ng invitation sa kasal, binyag, debut at iba pang okasyon, meron ding gift tag, calling cards, Rush ID picture, Powder Xerox, gumagawa din ng projects at hindi sila tumatanggap ng nagpapapeke ng kung ano-anong anik-anik. located somewhere in Imus market) para ayusin na sa Publisher ang mga gawa namin at ma-i-print na rin. Pagdating ko sa tagpuan(BHCC) sarado pa. nagtext siya at sinabing nasa bahay pa siya at papunta na, pero late na talaga ako kaya hindi ko na siya naantay. Dadaan nalang ulit ako pag uwi ko. Pwedeng ihabol nalang na i-edit ang gawa ko.
Uwian na namin. Diretso na ako sa Computer Shop kung saan nagtatarabaho si Ed. Hindi na ako umuwi para magpalit. Doon na namin sa shop balak tapusin ang paimportante naming komiks. Pero halos closing na noon. Ang isa pang masaklap, hindi pa nya nasimulang ma-edit at ma-layout ang komiks dahil marami syang costomer at si Sam palang ang nakagpasa talaga. Tatlong komiks, Isang yari na talaga(may tone at dialog na) at dalawang ni hindi pa na-ii-scan. Hopeless na? Medyo. Sa bahay namin binalak na tapusing ang komiks. May scaner kami pero walang publisher. Sa Word okay na yun. Walang ink ang printer. hindi rin pala pwede. Sarado na ang shop nila kaya nag-rent kami sa ibang computer shop na mahabahaba ang serbisyo. Idadownload na namin yung gawa ni Amjie pero bigo kami. Si Neil hindi nagrereply sa text namin. hating gabi, sararado na ang mga tindahan at bukas na ang mga tindahang walang lisensya. Hopeless na? Malapit na. Sabi ko "bakit ba nangyayari sa'tin 'to?" (nagdrama? pero hindi ko talaga sinabi 'yon). "Ayos lang yan, Kaya yan" sabi ni Ed. "Hindi eh." inisa-isa ko sa kanya ang sitwasyon namin. wala talaga kaming matatapos na komiks at bukas na ang event. Nandoon din kami nakatambay sa mismong lugar kung saan namin pinroblema dati yung komiks namin last year(2006). kinutuban ako ng masama. alam na! madilim, sarado na ang mga tindahan sa palengke at malapit na din akong malobat. naupo lang kami sa may gutter sa harap ng computer shop na ngayon ay sarado na. nakatingin sa langit. wala lang. parang nagpapahinga nalang kami sa dami ng nangyari pero wala kaming nagawa.
Tinigil ni Ed ang katahimikan. may naisip syang Bright Idea na ikinagulat ng pusang dumaan sa harap ko. Tinext nya yung may ari ng shop kung pwede kaming gumamit ng computer sa shop. Walang reply. "Ano na? Suko na?". hindi lang ako sumasagot. "Nakakahiya din sa komikon kasi hindi nanaman natin sila sisiputin"..."Oo nga eh"..."Lord, sign po"(kung itutuloy ba o susuko na?). Hopeless na? Oo.
Nag-ring ang phone ni Ed. Ito na yung sign na hinihingi nya. "Sige kunin nyo dito(sa bahay) ung susi". Eto na. Hopeless na? Hindi na ulet. "Saan ba yung bahay nila?"
Tinawid namin ang Aguinaldo Highway, Pumasok sa eskinita, naglakad sa dilim at umiwas sa asong ulol. Hindi maituro ng guard kung san kami pupunta, nakapag tanong narin kami sa mga rugby boy at pusa. Sinwerte naman kami at may nasalubong kaming maghahatid sa'min sa Survivor Africa. kapatid nung may-ari ng shop na kakilla din ni Ed. Ganun pala sya kaclose sa may-ari kaya ipinahiram yung susi. Tinuro nya kami sa "Tamang Daan". kapagka sineswerte ka nga naman. umambon pa. Narating rin namin yung bahay. Kamukang kamuka nung aleng nasalubong namin yung may-ari, parang pinagbiyak na susi(bunga pala. atat lang sa susi). nahiram namin yung susi sa shop at may kasama pang payong at bati ng "magandang umaga!". oo umaga na. mga 1:00 na yata ng madaling araw o masyado lang akong nagpapa-awa. wala pa kaming hapunan kaya dumaan muna kami sa lugawan. nagkalaman na ang aking tiyan at nagkapaltos ang dila. Fight na!
Naalala ko, may pinasa na pala sa'kin si Harlene na komiks nya na natapos nya bago paman din ako magsimula. apat na ang komiks. yung isa pa, kukunin nalang namin dun sa komiks namin last year. okay lang 'yon dahil mga taga Imus lang ang nakabasa na noon. Ayos! kompleto na. Nasimulan din ang pasaway na komiks. Mayamaya pa, habang gumagawa, bumukas ang pinto ng shop kung saan kami gumagawa. alas-2 ng madaling araw, sa gitna ng saradong palengke, tahimik ang lahat at may biglang nagbubukas ng pinto. Halos huminto ang puso namin sa takot, si Neil pala. Para bang "Here comes a new challenger" yun dating nya. kung pano nya nalaman na naandoon pa kami nang ganoong oras, hindi ko din alam. Ayos na! kaso hindi nya dala yung gawa nya. Tumulong nalang si sya sa toning at paglalagay ng dialog. kami ni Ed, pahinga muna. Umuwi rin agad si neil nung mga alas-3 yata(inantok na). Kami ni Ed tulog na dilat(may ganun ba?). Magpprint nalang kami ng original copy at cover, pasikat na rin ang haring araw. Mamaya nang alas-10 ung event. Ibebenta namin yung komiks, mainit-init pa. Parang hot pandesal.
Natapos na namin yung unang parte. Magpapa-photo copy pa kami sa isa pang ka-close ni Ed na may ari naman ng Xerox Machine at magpapackaging(sana tama yung spelling ko) mamaya. Wala pa kaming tulog. Dumaan muna kami sa 7-11 para magkape bago umuwi. Dito ko lalong naappreciate ang mga 24hour stores. Alas-7 kami uli magkikita para tapusin na ang dapat tapusin. Umuwi ako nang bahay, nagpalit(patay, hindi pwedeng maligo), nagtoothbrush(yun nalang) at doon palang ako nagpaalam na umaga na ako makakauwi. Steeg! saglit lang ako sa bahay. Umalis din ako agad makalipas ang ilang patalastas. 7am nandoon na ako. 7:30 dumatin si Ed pero sabi nya kanina pa sya naandon. Pinuntahan na namin yung kakilala nyang may ari ng Photocopy. May sumpong yung machine pero nakisama rin agad. tumulong na din ung may ari ng Xerox sa packaging, Ayos na. Tapos na ang "ACEtone Comics", 25 copies lang kasi gahol na sa oras. Kaso late din kami. Alas-9 na kami natapos at sa mga RPG games lang sa pagkakaalam ko may teleport. Alas-10 yung event(sa mga nakalimot). Tumuloy parin kami. Si Neil, himalang nagreply na susunod nalang siya.
First time mo bang pumunta ng UP diliman? Ako, Oo. At first time din naming sumakay ng jeep at bumaba kung saan kami sumakay.
Nagdadalawang isip pa si Ed na bumaba ng bus kahit sinabi na ng kundoktor ng bus na "UP diliman na". Sumakay agad kami ng jeep pagkababa ng bus. Kunwari alam namin ang sinasakyan namin dahil sa nakasulat na karatula. Alam ko kung saan sa UP ung venue(UP Bahay ng Alumni) dahil nadownload ko ung mapa ng UP sa komikon website. Basta galing ka sa oblation, madali nalang sundan ung mapa. Pagdating ng oblation, pakiramdam ko dapat na kaming bumaba pero hindi humihinto ang jeep. Hindi naman bawal pumara, hindi ko lang feel. Nagantay nalang kami ng "loading ang unloading area". Pero sabi ni Ed, "wag, dun pa yata yun eh.", Oo lang ako kasi mas matanda siya, pero ako, may mapa. Inikot namin yung buong UP. Nadaanan uli namin yung oblation(kinawayan kami), at bumaba kami sa pamilyar na lugar. Kailangan lang naming tumawid at Bwala! nandon na kami sa binabaan namin ng jeep. Parang wala lang. Kunwari walang nangyari. sakay uli kami ng Bus. Dumaan uli sa oblation hindi uli pumara. Buti may pumara na malapit lang sa Oblation kaya hindi na namin kailangang pumara. Para bang kabawasan sa pagkatao namin ang pagpara. Dumaan nanaman kami ng Oblation. Kung gumagalaw lang 'yon siguro nabatukan na kami.
Ayon sa aking mapa, dapat kaming kumaliwa sa kanan ng oblation, at kumanan sa pangalawang kanto. Sa wakas, narating na rin namin ang sabsaban. Compirmado, doon na nga ang nawawalang venue ng event. May malaking poster ng komikon sa labas at mga taong lamaspasok na may dalang pamaypay. Bumili agad kami ng tiket at pumasok. May namimigay ng pamaypay na may naka sulat na "I'm a comic Fan". nakuha ko agad yung logic don. Saya! Ang daming tao. Mapa-bata o matanda, may ngipin o wala. Hinanap namin yung table namin(Table na nakalaan sa mga registered na magbenta ng komiks at tiangge). Puno na yung mga mesa, nakita namin yung piraso ng papel na may nakasulat na "ACE(Artist Club Extreme)"(pangalang ng group namin) pero may tao na. Naagawan kami. Nagreport agad kami sa pulisya at nagpablater. joke lang. Tinanong naming yung isang babae na halatang dapat syang pagtanungan, kunwari hindi pa namin alam "san po yung pwesto ng Indie Tiangge? Participant kami" sabi ni Ed. Akala namin sasamahan nya kami, makikita nya na may nang a-agaw ng pwesto at sisigaw ng "DARNA!", kaso hindi. "Dun oh. diretso lang kayo, tas sa may left side ng stage
Ed: "Magkano to?"
Lalake: "P30 lang po"(kahit may nakalagay na price)
Ed: "Ah. kasi nagbebenta rin kami eh kaso late kami nakarating, tapos may pumwesto na sa pwesto namin(na nasa likuran lang) ito yung sa'min oh
Lalake: "..."
Ed: "Pwedeng palagay kami sa table nyo? tatlong kopya lang muna"
Lalake: "Sige. Okay lang"
Naawa lang ako sa lalake sa unang sinabi ni Ed. Para nyang sinabing:
Ed: "Ui! Nanalo ka ng Jockpot sa Lotto kahit hindi ka tumataya!"
Lalake: "Wow! talaga!?"
Ed: "Ay, Hindi pala"
Lalake: "..."
Mabait naman yung mga tumulong sa'min. Binabaryahan nila yung pera namin kapag walang panukli, nakikipagkwentuhan at inalok nila kami ng chocolates, may bayad nga lang(tinda pala nila). Nakabenta rin naman kami. Ang sarap pala ng feeling kapag may bumubili ng pinaghirapan mo. Wala akong tubo o mapapalang material sa pagbebenta ng paimportanteng komiks dahil si Ed lang ang gumagastos, pero yung pakiramdam iba. Naeebs pala ako. joke lang. 25 copies. mula sa P50 per copy naging galante si Ed at ginawang P40 per copy nalang. Murang mura! 10% ng kabuuang kita ang mapupunta sa komikon, Ibig sabihin, nakabenta kami ng 9 na comics na P40 ang isa, kaya P360 lahat at P36 ang mapupunta sa komikon. Ayos lang naman sa kanila, akala ko:
Komikon: "tertisiks pesos? saya!"
---
Komikon: "tertisiks pesos? sayo nalang, baka hindi ka makauwi. kumain ka na ba?"
---
Komikon: "tertisiks pesos? ay nahulog. naku nawala sa sobrang liit."
Konti lang kasi ang dala namin. Masabi lang na naka-attend kami. Wala naman palang namumugot ng mga hindi sumisipot na nagparehistro. Maaga rin kaming umuwi. Tao lang kami.
Sarap matulog. ![]()



Post a Comment